Bihira lang kumakaway si Kulas, lalo na siguro sa mga taong tulad ni Pascolito. Galit kasi siya sa mga mukhang marurungis na mga bata–at siyempre si Pascolito ay isa na sa mga batang iyon. At isa pa, sabi niya sa sarili niya, masyado nang mahaba ang mga buhok niya sa kili-kili. Dyahe, ika nga.

Pero ngayon, buong araw siyang kumakaway. Kahit tanghalian na at wala nang dumadaan na mga tricycle at wala nang mga batang may dalang mga timba dahil wala na namang tubig, hala’t patuloy pa rin sa pagkaway ang lalaki.

Nang makita niya si Pascolito, tinawag niya ito.

"Oy, bata!" Kumaway ulit siya, tulad ng ilang beses niyang pagkaway sa buong maghapon. "Pumunta ka nga rito."

Kawawang Kulas. Hindi ‘ata siya napansin. O pinansin.

Sa totoo lang e takot si Pascolito kay Kulas. Wala namang dahilan, pero siguro dahil sa mga naririnig niyang mga kuwento mula sa mga kalaro niyang istambay sa barbekyuhan sa may kanto. Mangkukulam daw si Kulas. Mananabas daw si Kulas. Kulang-kulang si Kulas. Kulas, Kulas, Kulas. Kawawang Kulas.

Kinabukasan, nakita uli ni Kulas ang bata.

"Oy, bata!" ulit nito. "Pumunta ka nga rito."

Nang hindi siya pansinin ni Pascolito, napilitan siyang lumabas ng kanyang sementeryo upang harangin ang nakayukong bata.

"Kulit mo a. ‘Lika nga."

Gusto sanang sumigaw ni Pascolito, pero wala namang makakarinig sa kanya. Ilang uwak siguro, tapos wala nang iba. Dinala siya ni Kulas sa loob ng sementeryo. Itinulak siya nito papunta sa isang puntod na nagngangalang Ermidia Almovar. Namatay noong Disyembre 15, 1987. Dakilang manginginom daw. At manunugal.

"Kinawayan kita kahapon, alam mo ba?" masayang tanong ni Kulas.

Umiling si Pascolito.

"Ulul. Nakita mo ‘ko e."

Umiling uli siya.

"Gago ka talaga. Katulad mo sila," itinuro ni Kulas ang mga puntod sa likuran niya, "nagbibingi-bingihan."

"Kuya, may pinabibili lang sa ‘kin si nanay. Pagagalitan niya ako ‘pag ‘di pa ako umuwi." Nagtatago na naman ang boses ni Pascolito sa kanyang hininga.

"Ganun ba," bulong ni Kulas. "Sige na nga."

Paalis na si Pascolito nang sumigaw si Kulas.

"Bumalik ka bukas a!"

Tumango na lamang ang nangangatog na bata. Pinanood ni Kulas umalis si Pascolito. Maya-maya’y may bumulong na. Muli, may bumulong na. Lumapit siya sa isa sa mga puntod. Kay Constantino Samonte, namatay noong Abril 12, 1944. Bayani at matipuno, ayon sa mga kamag-anak. "Bakit ngayon ka lang?" Wari’y may bumulong muli sa kanya. Natawa si Kulas sa biro ni Constantino.

Maya-maya pa’y nakikipagkuwentuhan na muli si Kulas sa mga puntod. Kapitbahay, kung kanyang ituring. Nang may napadaan sa sementeryo, hindi na siya kumaway. Balik sa dating gawi ang baliw.