Buhangin
October 11, 2005
BUHANGIN
Hindi na nagpaliguy-ligoy pa si Sam nang tinanong niya ang kanyang ina.
"Ma, si Papa?"
Patuloy lamang sa pagmamaneho ang ina, pero ramdam ni Sam ang kaba niya sa hindi niya pagsagot. Napalunok si Sam.
"Ma—"
"Hindi ko alam. Tanungin mo ang lola mo." Mahinahon ang sagot ng kanyang ina, pero malamig. Nanaig ang takot ni Sam kaya naman hindi na siya muling nagtanong–o nagsalita. Ganun din ang kanyang ina.
Natanaw na ni Sam ang minimithing lugar: ang bahay-bakasyunan ng kanilang pamilya. Liban sa ilang mga seradurang nasira at ang mga pinturang nat, ito pa rin ang bahay-bakasyunan na binisita nila tatlong taon na ang nakararaan. Ito pa rin ang bahay-bakasyunan na minsa’y katabi ng maalon na dagat—pero madalas ay hindi. Ito pa rin ang bahay-bakasyunan na dati’y hinampas ng malalakas na alon habang sila’y natutulog nang mahimbing
Papasok na
sana siya nang tawagin siya ng kanyang ina.
“Sam, kunin mo nga ‘tong mga bag.” Ramdam pa rin sa boses ng kanyang ina ang kakaibang pagkainis sa tanong niya kanina. Hindi na siya nagdalawang-isip na sundin ang utos nito.
Kinuha niya ang dalawang bag—sa kanya at sa kanyang ina—at buong-lakas na kinarga ang mga ito papasok. Nang nilingon ni Sam ang kanyang ina, nakita niya itong nakatitig ang sa dagat, mukhang ninanamnam ang lamig na dala ng hangin at ang tunog ng alon mula sa malayo.
(itutuloy)
Leave a Reply