Imik

March 26, 2006

Nakadapa na naman si Bojo sa sahig, walang imik, hawak ang pangkulay na bigay sa kanya ng kanyang lolo. Walang tigil na naman sa kakakulay. Isang malinis na papel ang inihanda ng kanyang ina para kay Bojo, pero nang mapuno na ito ng walang hanggang pag-ikot at paglaro ng mga kulay, sahig na ang napagdiskitahan ng bata. Nang bumalik mula sa kusina ang kanyang ina, laking gulat nito nang makita na ang sahig na buong araw niyang nilampaso ay nabiktima na rin ng kanyang anak.
"Anak naman," pagal na sabi ng kanyang ina "sinabi nang bawal sa sahig!" Kumuha ng isa pang piraso ng papel ang kanyang ina at inabot sa bata.
Balik sa pagkulay ang bata. Wala na namang imik. Balik sa kusina ang ina. Wala ring imik.
May kumatok sa pinto. Tatlong malalakas na katok. Nakilala agad ito ni Bojo.
"Papa!" Tumayo si Bojo at dumeretso sa kusina. "Ma, si Papa!"
Walang imik ang kanyang ina. Maya-maya’y itinabi na ng kanyang ina ang mga platong hinuhugasan. "Sige, na, pagbuksan mo na ang tatay mo."
Dumeretso sa sala ang bata. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto.
"Papa!"
Pumasok ang kanyang ama, mukhang pagod pero nakangiti naman para sa kanyang anak.
Nagpakarga si Bojo.
"Huwag muna ngayon, Boj, at pagod si Papa mo." Umupo ang kanyang ama sa sofa at hinubad ang kanyang sapatos.
Kinuha ito ni Bojo at itinabi malapit sa may pintuan. Pagkatapos ay binalikan na niya ang kanyang pagkulay.
Lumapit ang kanyang ama. "Ano’ng dino-drowing mo?"
Sabik ang sagot ni Bojo. "Eroplano po!"
"E ba’t walang pakpak ‘yang eroplano?"
"Kasi po ginagawa pa ng mga mekaniko."
Natawa ang kanyang ama.
"Wow, may mekaniko ka pang nalalaman a!"
Bumalik sa sofa ang ama, walang imik. Bumalik sa pagkukulay ang bata, wala ring imik.
Nakaisip ng bagong ido-drowing si Bojo. Binaligtad niya ang papel at dali-daling nagsimula.
Tumayo ang ama at pumasok sa kusina. "Ma, ano’ng ulam?"
Hindi sumagot ang asawa. Patuloy lang ito sa paghugas ng pinggan.
Nagsimula sa mukha si Bojo. Tatlong malalaking bilog.
"Ma naman. Hanggang ngayon ba naman ‘yan pa rin ang iniisip mo?" Tinanggal na ng lalaki ang kanyang kurbata.
Wala pa ring sagot ang asawa niya.
Nilagyan na ni Bojo ng mata ang tatlong mukha.
Hinawakan niya ang kamay ng kanyang asawa. "Hanggang ngayo–"
"Huwag mo nga akong hawakan!" Tinulak ng babae ang kamay ng asawa, wari’y nandidiri.
Bibig naman ang sinimulang iguhit ni Bojo. Tatlong ngiti.
"Putang ina naman Maritess! Sinabi nang hindi totoo ‘yon!"
Dabog lang ang sagot ng kanyang asawa.
Katawan naman ang sinimulan ni Bojo.
"Tess, ano ba?"
Isang naka-polo.
"Nakita ko, Bert! Hindi ako tanga!" Ibinato ng babae ang mga plato sa kabinet.
Isang naka-bestida.
"Huwag ka ngang ganyan! Maririnig ni Boj!"
At isang naka-tshirt.
Nanaig ang katahimikan sa bahay ng mga Cruz. Lahat nawalan ng imik. Tumagal ang oras.
Maya-maya’y nagsimula nang maghain ang ina ni Bojo. Maya-maya’y naka-pambahay na ang ama ni Bojo. Maya-maya’y natapos na rin ni Bojo ang ginuguhit.
"Ma! Pa!" Patakbong pumasok sa kusina ang sabik na sabik na bata. Ipinatong niya sa mesa ang kanyang obra.
Ang kanyang ama ang unang nakapansin. "Wow, ang ganda naman. Galing talaga ng anak ko!"
Sumunod ang kanyang ina. Kinuha niya ang likha ng anak at tiningnang mabuti. "Tayo ba ‘to, ha, Boj?"
Napaisip ang bata. "Hindi po."
Muling bumalik ang katahimikan sa bahay ng mga Cruz.