Sabi ko sa sarili ko, hindi na ako lulundag ulit sa overpass
Masakit kasi, lalo na sa likod
Gasgas ang tuhod, pasa ang siko
At lahat ito, para lang may bago
Bago sa mundo ko

.

Kailangan ko rin minsan nun
Para lang may maiba
Kahit bagong umaga
Kahit basang tuwalya
Kahit nga maalat na kape
Papatusin ko na
Para lang may bago sa mundo ko
Para ‘di tulad ng dati
Parating gumigising sa iisang kama
Iisang kape lang palagi ang tinitimpla
Tapos ‘pag umulan na
Payong lang ang nababasa

..

Lumundag ako minsan sa overpass sa may sa ‘min
Hindi ko na matandaan, pero sinabi lang sa ‘kin
Naiwan ko ang sarili ko
Sa mundong walang bago
At nagising sa umagang
Pareho, pero iba
Maingay, pero iba
Mausok, pero iba

Saka ko naalala
Lahat ng buhay ko noon
Ang laki ng pinag-iba
Pati klima’t panahon
Hindi ako nabuhay
Kaya kailanman hindi ako namatay
Ano pala ang ginawa ko kung gano’n?
Sa unang buhay
Sa unang hininga

….

Hanggang ngayon hinahanap ko pa rin
Sa ikatlo kong paglundag sa overpass
Malamang
Malaman ko na
Kung ano ba ang halaga
Ng bawat hininga

Leave a Reply