unang monologo ni Bida
August 26, 2006
Walang tao noon e, kaya, alam mo na, ginawa ko ‘yon. Sabi ko sa sarili ko hindi ako lulundag ‘pag may tao. Ang mga tao kasi pakialamero–basta iba lang ang ikilos mo pakikialaman ka na. Buti na lang noong Sabadong iyon, walang tao. Kasi kung meron, baka umuwi na lang ako sa bahay. Buti na lang.
Kaya ayun, lumundag na rin ako. Ang tagal ko ring iniisip kung kailan, saan, at paano ako lulundag, alam mo ba? Hindi lang ito basta-basta suicide. Dapat may point. Dapat, pagbagsak ko sa ilalim ng overpass at nasagasaan ng ilang trak at dyip, may point pa rin. Kasi kung wala, ano’ng saysay nun?
Pero ganun pala ‘no, ‘pag lumundag ka na… Parang bumabagal lahat. Tatlumpung talampakan lang naman ang taas ng overpass na ‘to pero parang tumaas pa. Siguro kapag alam mong mamamatay ka na, sa ayaw mo’t sa gusto, talagang babagal lang lahat. Yung dalawang segundo ko naging isang oras. Yung huli kong hithit ng yosi nadagdagan pa ng dalawampu. Ang bagal bagal bagal bagal. Pakiramdam ko nga pinaglalaruan na lang ako. Tumingin pa ‘ko sa relo ko; hindi na rin umaandar.
Pero biglang bumilis lahat. Naramdaman ko na lang bigla yung mainit na kalsada na pumalo sa mukha ko. Biglang may bumusina. Tapos may nag-preno.
Tapos wala na.
Leave a Reply