tatlong kuwarto scene

May 13, 2007

Handa na ang tape. Side B, pagkatapos ng kanta ni Eric Clapton. Praktis na naman para sa talent portion. Kung dati’y "I Will Always Love You" ang nagpapanalo kay Selma ng Best in Talent, ngayon nama’y "Hello" ni Lionel Richie ang magpapabilib sa mga hurado. Itinaas na niya ang mga kamay at iniyuko na ang ulo bilang paghanda sa pagpasok ng kanta.

*   *   *

"Ano ba’ng plano mo sa birthday mo?" tanong ni Opel habang nagsisindi ng kanyang panglimang yosi.

"’Di ko rin alam e," sagot ni Labo habang hinihithit ang kanyang pangatlo. "Gusto ko sanang maglayas, pero ‘di naman ako rebelde."

"Bakit, rebelde lang ba ang naglalayas?"

"Bakit pa sila maglalayas kung hindi sila rebelde?"

"Maraming bagay. Soul-searching, naghahanap ng purpose, nagpapakawala."

Natawa si LABO. "Hindi naman paglalayas yun e. Pa-deep ang tawag dun."

*   *   *

Pagod na bumalik si RO sa kuwarto. Doon nakita niya si Fitz na mukhang balisa.

"Nakita mo ba si Ydine?" mahinang tanong ni Fitz.

Naalala ni RO ang mukha ni Ydine bago ito naglakad papalayo sa kanya. "Hindi e. Bakit, sa’n ba siya pumunta?"

Kibit-balikat lang ang sagot ni Fitz.

*   *   *

Ang tawag sa kanya’y Miss Best in Talent — dahil dun lang siya nananalo. Play to your strengths, payo sa kanya ng kanyang titser noon, at hindi na niya ang pinakawalan ang mga salitang ‘yon. Minsan naiisip niya na yun na lang ang buhay niya: tagapalakpak sa kung sino mang magsusuot ng korona habang hawak ang mumunting Best in Talent trophy.

Pero ngayong taon, hindi na siya tatawaging Miss Best in Talent. Magiging Miss San Antonio na rin siya.

*   *   *

to be continued. yata.

One Response to “tatlong kuwarto scene”

  1.   Katie said:

    Asteg. Pakshet ba ito?! Hehe. Laugh trip pare. Haha! Miss San Antonio!? Bakit parang alam na alam mo ang mga bagay tungkol sa beauty contests?! Haha! Ikaw ha, may hindi ka sinasabi kuya! Haha! =P

Leave a Reply