Iling lang ang sagot sa akin ni Ydine.
:
"Hindi ako nagsu-survey."
:
Ano bang meron sa mga tauhan ko at ayaw nila ng survey? Matapos akong sumakay ng tatlong jeepney at isang traysikel papunta sa apartment nila ni Fitz, ito lang ang isasagot niya sa akin, na hindi siya nagsu-survey?
:
Dumeretso sa kusina si Ydine. "Gusto mo ba ng kape?"
:
Natawa ako. Marunong pala siyang magtimpla ng kape. Hindi naman yun kasama sa character profile niya a.
:
"Si Fitz pala?" tanong ko sa kanya.
:
"Malay," mahinang sagot ni Ydine. "Baka sinusundo si Labo."
:
"Bakit, anong meron?"
:
"Hindi mo alam?" pagtataka niya, "teka, sino ba’ng author nito?"
:
"Ako."
:
"O ba’t ka pa nagtatanong?"
:
"Para maintindihan ng mambabasa yung usapan natin."
:
"May nagbabasa ba ng mga sinusulat mo?"
:
Ouch. Gago ‘to a.
:
"O kitams." Inabot niya sa akin ang isang tasa ng kape. With cream. "Basta kasama niya si Labo. Yun na yun."
:
"Salamat."
:
Sa kabilang sulok ng sofa. "Bakit mo ba pinapa-survey si RO?"
:
"Kasi wala akong masulat tungkol sa kanya. Alam mo naman yun, mysterious kuno."
:
Nakita kong napangiti si Ydine.
:
"Hindi ako napangiti," bigla niyang sabi. Ayos, binabantayan din pala niya ang sinusulat ko.
:
"Hindi ba?"
:
"Hindi."
:
Naghanap na lang ako ng ibang mapaguusapan. Medyo sensitive kasi si Yd–
:
"At hindi ako ’sensitive’."
:
O siya, hindi na. "Ba’t ba ayaw mong mag-survey?"
:
"Nakakapagod kasi. Magka-copy and paste pa ako ng post ng iba, buburahin ko pa yung sagot nila, tapos pag-iisipin pa ako. Para saan, sa tatlumpung segundong katuwaan? Count me out."
:
"Pero dati sumasagot ka naman ng friendster surveys a."
:
"Dati yun."
:
"E ngayon? Ano bang pinagkaiba ng noon mo sa ngayon? Dumaan ka na ba sa nobela at nagbago na ang world view mo? Pinapunta na ba kita sa mga seminars ni Dr. Phil?" Teka, magandang idea yun a.
:
"Basta."
:
Basta, basta, puro basta! Sino bang nag-imbento ng salitang ‘yan?
:
"Tapos ka na ba sa kape mo? Inaantok na kasi ako."
:
"A hindi pa."
:
Nagkatitigan na lang kami. Astig talaga ang awkward silence.

Leave a Reply