Taimtim
July 31, 2007
“Masarap ngayon ang ulam. Sana sumama ka.”
Kausap na naman ni Isko ang mga larawan. Kakatapos lang niyang kumain at kinadena na siya muli sa kanyang kuwarto. Nakapalibot na naman sa kanya ang mga litrato ng mga taong dati’y kilala niya at ngayo’y kinikilala niyang muli.
Sa baba’y naririnig niya ang boses ng kanyang tiya habang humahalo naman sa lamig ng gabi ang musikang nanggagaling sa radyo ng kanyang Kuya Mabel — mga tipikal na ingay pagkatapos ng hapunan. Sa bawat pagpasok ng patalastas ay maririnig ang paglipat sa ibang istasyon, at sa bawat paglipat ay may panandaliang katahimikan, katahimikang babasagin naman ng kanyang tiya.
Ilang beses na palang tumatawag ang isa sa mga larawan, hindi na namalayan ni Isko. Nakakunot na ang noo ng isang mamang may peklat sa kaliwang pisngi.
“Wala naman silang sinabi. Tsaka wala naman akong pakialam.” Kinamot ni Isko ang nilalamok niyang binti, pero napaigtad siya nang umabot ang kanyang kuko sa lamog na parte — masyado kasing mabigat ang kadenang nakabalot sa kanyang binti.
Naawa ang kanyang kausap. Natawa na lang si Isko.
Nakahanap na naman ng bagong istasyon ang kanyang kuya, pero sa kasamaang palad ay nakisabay pa ito sa kanta.
Lalong natawa si Isko.
“Tang-ina mo Isko!” sigaw ni Mabel. “‘Pag umakyat ako diyan, mamamaga na naman ang mukha mo!”
Pinigil na lang ng kawawang bilanggo ang kanyang pagtawa. Nakita niyang naiinip na ang isa sa mga larawan.
“Malay. Tatlong buwan na nila akong hindi pinapalabas e,” pabulong na sagot niya dito. “Siguro sa susunod na buwan maibibili na kita ng gusto mo.”
Mukhang nasiyahan ang kanyang kausap.
Leave a Reply